kung kaya ni tikbalang, kaya niyo rin. halina't tungahayan natin. ngayon, bukas at magpakailanman
Mula sa lahi ng mga Centaur, mga maalamat na nilalang na kalahating tao at kalahating kabayo.
matatalino dahil ang ulo nila ay tulad sa tao. mabibilis at malakas dahil ang apat na binti nila ay sa paris ng kabayo----plus buntot.
Isang araw, isang bagong silang na sanggol ang nadagdag sa lipi.
kung iisipin mali ang salitang "bagong silang". dahil hindi mo na kailangan idagdag ang salitang "bago" sa "silang". imbes na "bagong silang na sanggol" dapat "sinilang na sanggol". dahil understood naman na pag sinilang syempre bago. at wala namang sinilang na luma.
(back to the topic)
Ang bata ay kakaiba. kabaliktaran ng itsura ng mga Centaur. ang ulo ng sanggol ay sa kabayo at ang katawan mula hanggang sa paa ay sa tao. hindi niya namana ang matalas na utak ng tao at tatag at bilis ng mga binti ng kabayo.
Ticba'ah ang ngalan ng sanggol. dahil sa kaibahan. naranasan niya ang pangaapi at pagtatangi sa kanya. nilisan niya ang lupang sinilangan at tumungo sa isang kapuluan. "paalam mga panget" ang huling liham niya.
(Sa Pilipinas)
doo'y nakilala niya ang isang manananggal na tumulong sa kanya magkatrabaho.
(isang manananggal 'yun bang nahahati ang katawan, naiiwan ang baywang, binti hanggang paa nito sa bahay at nagkakaroon naman ng malaking pakpak ng paniki. palipad lipad ito para maghasik ng laggim). dahil sa kapilyahan. isang sibat ang humagip sa bagwis nito. bumagsak siya sa lupa. walang siyang ibang magagawa kundi tumakbo. ngunit wala siyang paa. sa nerbiyos ay natapilok ito. palapit na ang mga taumbayan na may dalang nagliliyab na sulo.
nakita siya ni Ticba'ah at tinulungan itong magtago. salamat at ligtas sila.
ang naabutan ng taumbayan ay isang itim na manok. ito ang binuntungan nila ng galit sa pagpapalagay na baka nagbagong anyo ang manananggal bilang ulikba.
(sa trabaho)
Natanggap sa trabaho si Ticba'ah.
Una tinanong niya ang sarili dahil ang sahod niya ay below minimum.
malinaw naman ang "Minimum Wage Law" ng Pilipinas.
dapat ay magpasahod ang employer sa empleyado ng hindi bababa sa itinakdang sahod ng gobyerno.
pag hindi ito sinunod ay maaring ireklamo ang lumabag na employer.
Andali lang namang intindihin. MINIMUM-bakit may mini pa sa minimum.
pero kung magrereklamo ka. hugas kamay ang kumpanya dahil agency ang dapat mong i-sued sa korte. at kung manalo ano ang mapapala mo. tanggal ang permit ng agency at tanggal ka rin---walang nawala sa kumpanya. asa ka pang manalo, may panggastos ka ba sa PAO?
pero hindi pala tapos. may commision pa ang Makatao Manpower Services. kakaltas ang agency sa sahod. modus lang din ito ng kumpanya dahil sila rin ang may hawak ng ahensyang may isang tao lang. opo lang nang opo wala naman tayong magagawa. Sa huli ay tinanggap na rin ni Ticba'ah ang agos. isa pa. narito siya para magkaroon ng bagong simula.
kahit na ganun, nagpapasalamat siya sa kumpanyang ito dahil pinagkatiwalaan siya. doon ay naging kaibigan niya si Sigbin mabait siya nitong inorient. naroon si Kapre na nagyoyosi ng tabako. si Lope na aswang(uuuy) na love at first sight yata siya(yihiii) kilala rin si Lope bilang Lopeng Lupit dahil sa lupit na angkin nitong kariktan. si Pugot na walang ulo na mahilig mangulambaba. si Nuno Muhlac(isang nuno sa punso) . naroon rin si Tiyanak na masungit pero naging close niya nang binigyan niya ito ng "marie".
nakilala niya rin si Mang Esoj (binaliktad na Jose). siya ang CEO/Owner ng kumpanyang pinagtatrabauhan nila Ticba'ah.
tinanong siya nito. anong name mo?
Ticba'ah:Tikba po.
Mang Esoj: ANO TIKBA POE? (sabay ngisi).
Ticba'ah: Hindi Ticba'ah lang
Mang Esoj: ahh Tikbalang. maganda mukhang papatok. Tikbalang, welcome to the kumpani Tikbalang!
mula noon nabinyagan na siya bilang Tikbalang at yun na rin ang itatawag natin.
Si mang Esoj rin ang kilalang albularyo nang bayan. napabalita na ang husay niya sa Jessica Sojo at TV Patrol.
tama ang pagkadinig mo. albularyo siya at promotor ng mga lagim! kala niyo kalaban ng mga albularyo ang mga aswang hehehe. kung paano ito nangyari ay dahil patay-bata pa tayo sa tunay kalakalan.
ganito ang natuklasan ni Tikbalang:
Ang trabaho nila Tikbalang, Manananggal at iba pa ay manakot ng tao. ang tao naman ay hihingi sa serbisyo ng albularyo. ang albularyo ay magbibigay halimbawa ng anting-anting. sa una libre lang.
Sila Tikbalang naman ay magkukunwaring natatakot sa medalyong iyon. aarte na kunwari ay mapapatakbo sa tindi ng kapangyarihan taglay ng medalyong nagdaan sa sagradong orasyon at nilabhan sa holywater. mapapabalita ang epektibnes nito. maraming bibili kay Mang Esoj kaso may bayad na. entrepreneur talaga ang dating. tiba-tiba. goyoan, sabwatan at pera-pera. bukod sa medalyon ay marami pang ibang anting-anting, kontra-usog, laway, orasyon, hilot, mga libreta etc. ang mabibili ngayon sa botique niya. doon kumikita si Mang Esoj at ang kumpanya.
Maganda naman sa una. lumakas ang kita ng kumpanya. pinaka outstanding ang performance ni Tikbalang. ngunit naiba ang trato sa kanya ni Sigbin.
matagal na siya sa trabaho pero bali na ang likod hindi man lang siya maregular. yun ang kinainggit niya na baka maunahan pa siya ni tikbalang.
nais niyang pabagsakin si Tikbalang ngunit kabalintunaan ay siya ang lumalagapak. hanggang malaman niya ang relasyon ni Tikbalang kay Lope. gumawa ng tsimis si Sigbin. naging iskandalo ito at naapektohan ang kita kumpanya. ang tatlo ay kapwa sinibak sa trabaho. nakakapagtakang si sigbin ay masaya parin. hindi nadismaya sa paghila niya sa kapwa niya ay nasama rin siya pababa. crab mentality talaga!
Lope: paano ngayon yan beh. saan tayo pupulutin, ayokong bumalik sa amin sa maynila.
Tikbalang: Sumandal ka lang sa akin beh..nagmamahalan tayo, yun ang mahalaga beh. isa pa nangangako ako. beh hindi ako titingin sa iba, sayo lang, magiging babaero lang ako pag dumami ka(sabay tingin sa CP para sa iba pang forwarded quotes). hindi ka luluha sa piling ko. gutom lang.
Lope: Gutom?
Tikbalang: Joke lang, marami naman diyang trabaho marami nga lang ring aplikante. hehehe
Lope:?
Tikbalang: kung di man ako makahanap ng trabaho pwede namang magnegosyo kahit maliit.
Lope: Narito lang ako palagi. magtutulungan tayo. tambalang TikLop(clipping ng Tikbalang at Lope) tayo di ba?
Tikbalang: Salamat beh beh mahal ko,
<Kissing Scene>
Nagsikap ang mag loveteam. nagtrabaho ng ibat'ibang pwede. naging kutsero si tikbalang, naging pyesa sa chess. naging model ng redhorse, ferrari etc. ngunit talagang dumarating ang pagsubok ng paulit-ulit.ang mahalaga ay paulit-ulit ka ring lumaban.
sumubok ding magnegosyo. mapalad namang nagtagumpay ang isang naiisip na negosyo.. sinong mag-aakala na ang mga tinapong napkin sa basurahan ay pwedeng gawing tsaa!
nag-click ito sa mga dayuhang bampira.
umunlad ang mag-asawa. subalit ang kumpanya ni Mang Esoj, sina Pugot, Kapre, Tsanak, Manananggal atbp. ay nagsara na. dahil ito sa pagpasok sa bayan ng mga dayuhang horror.
wala nang naniwala sa tik tik, diwata at mga anting-anting natin. mas okay kasi ang horror movies ng Japan, Thailand at Estados Unidos. hindi tulad ng mga horror natin na OA sa special effects at paulit-ulit lang ang mga kuwento.
Gamit ang naipon ng mag-asawang Tikbalang at Lope. Sinimulan nila ang pagbuo ng samahan ng mga lamang lupa sa buong kapuluan. para iahon muli ito.
patuloy pa rin ang pamamayagpag ng dayuhang katakutan at hindi pa ganoon nagbubunga ang sinimulan ni Tikbalang. sina Shomba, Jigsaw, Jason X, Sadako at mga Zombie pa rin ang trending.
pero atleast nasimulan na.
magiging mahirap ang laban pero sanay na si Tikbalang diyan, nakapagbigay rin siya ng inspirasyon at pag-asa sa marami.
sa huli naisipan ni Tikbalang at Lope na magpakasal.
hindi malilimutan ang huling hudyat ng pari na.
"You may kiss the bride".
nagpalakpakan ang lahat kahit si sigbin na naging ninong,
maraming nakuhang star si Tiyanak sa Daycare, nakabili nang electric cigarrete si Kapre. Si Nuno naman ay may bagong Punso. nagkatuluyan si Pugot at Manananggal. Si Mang Esoj naman ay sagradong ginagalang na ang Labor Code. okay na ang pasahod niya ---ngalang lumiit ang income.
kasagsagan ng kasal. bumagsak ang malakas na ulan kahit tirik ang sikat ng araw.
"umuulan kahit umaaraw? siguro may kinakasal na Tikbalang at Aswang" ang sabi ng mga bata.
<The End>
No comments:
Post a Comment